PuroKalusugan Nasa Barangay Na

Barangay Information Office

5/5/20251 min read

Matagumpay na isinagawa ng Rural Health Unit (RHU) ng Pamahalaang Bayan ng Nagcarlan, ang paglulunsad ng programang PuroKalusugan noong Mayo 5, 2025 sa Barangay Kanluran Kabubuhayan.

Pinangunahan ni Dr. Alvin Michael De Luna, MPH, CPC-FP, ang aktibidad kung saan maraming residente ang nakinabang sa mga serbisyong pangkalusugan gaya ng libreng konsultasyong medikal, rehistrasyon sa PhilHealth Konsulta, at edukasyong pangkalusugan.

Ang PuroKalusugan ay bahagi ng Eight-Point Action Agenda ng DOH na tumutugon sa mga pangunahing isyung pangkalusugan sa bansa, kabilang ang:

  • Pagsasagawa ng bakuna (Immunization)

  • Kalusugan at nutrisyon

  • Kalusugan ng ina

  • Tubig, sanitasyon, at kalinisan (WASH)

  • Pamamahala at pagkontrol ng HIV at AIDS

  • Kaligtasan sa kalsada (Road Safety)

  • Hindi nakahahawang sakit (Non-communicable Diseases) tulad ng altapresyon at diyabetis

  • Pag-iwas at pagkontrol sa kanser

Layunin ng programa na dalhin ang serbisyong medikal sa mismong komunidad upang mabawasan ang pangangailangang bumiyahe ng malayo, lalo na ng mga senior citizen, kabataan, at iba pang kabilang sa mga bulnerableng sektor.

Ayon sa mga opisyal ng DOH, ang PuroKalusugan ay patunay ng hangarin ng pamahalaan na gawing mas abot-kamay ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat. Isang hakbang ito tungo sa mas malusog at mas ligtas na mga pamayanan.

Patuloy ang pag-ikot ng PuroKalusugan sa iba’t ibang barangay sa buong bansa bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng DOH para sa kalusugan ng bawat Pilipino.