Kan Kab, Tumanggap ng 500 Puno ng Calamansi mula sa Laguna University

Barangay Information Office

7/8/20251 min read

Isang mahalagang inisyatibo para sa kapaligiran ang isinulong matapos tumanggap ang Barangay Kanluran Kabubuhayan ng 500 seedlings ng calamansi mula sa Laguna University- Community Extension Services Unit, bilang bahagi ng kanilang suporta sa mga proyektong may layuning magpanatili ng luntiang kalikasan ngayong Hulyo 8.

Ang donasyon ay isinagawa dahil sa pagiging partner community ng LU ang Kanluran Kabubuhayan, isang inisyatibong pangkomunidad sa Barangay Kan Kab. Sa ilalim ng partnership na ito, kinilala ang barangay bilang katuwang sa mga tree planting initiatives ng unibersidad na naglalayong palakasin ang adbokasiya para sa reforestation, environmental sustainability, at community involvement sa pangangalaga ng kalikasan.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, ang pagtanggap ng mga calamansi seedlings ay hindi lamang simbolo ng pagtutulungan ng akademya at pamayanan, kundi isang hakbang din tungo sa mas malawak na partisipasyon sa mga programang pangkalikasan. Ipinahayag din nila ang buong suporta sa layunin ng LU na paigtingin ang kaalaman at pagkilos para sa mas malinis, luntian, at matatag na kapaligiran.

"Ang pagtanggap namin ng 500 puno ng calamansi ay patunay ng matatag naming ugnayan sa Laguna University. Isa rin itong paalala na ang pangangalaga sa kalikasan ay responsibilidad nating lahat," ani ng isang kinatawan ng Kanluran Kabubuhayan.

Inaasahang itatanim ang mga puno sa piling bahagi ng barangay sa mga susunod na linggo, kasabay ng mga aktibidad na may kaugnayan sa pangangalaga ng mga itinanim na puno.

Ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng LU na palawakin ang epekto ng kanilang mga environmental programs sa labas ng akademikong komunidad—kasama ang mga barangay at organisasyon na tunay na nakikibahagi sa pagbabago para sa kalikasan.